Mag-isa ka. Bakit wala kang kasama? Eh wala eh.
Nasa unahan. Anong ginagawa mo dyan? Naghihintay.
Nag-aabang. May darating pa ba? Sana.
Tulala. Anong iniisip mo? Hindi ko alam.
Ang pinaka-panget sigurong mangyayari sa isang tao ay ang pumunta sa isang terminal, sumakay ng jeep na wala pang kalaman-laman, mag-hintay ng mahigit limang minuto para may dumating na kahit isa, at patuloy na mag-hintay hanggang mapuno. Tapos sa huli, para kang ketonging ayaw tabihan sa unahan. Kung hindi pa mapupuno yung likod, siguro wala talagang magbabalak na tumabi sa'yo.
Nasaan ang panget dun? Dahil ba walang tumatabi sa'yo? Hindi siguro yun. Siguro ang panget dun ay yung iisipin mo pagdating mo na sa dulo ng byahe... Tama ba yung pinuntahan mo? Ito ba ang gusto mong marating? Parang tama naman. Tama naman yung nasakyan ko. Ito yun eh. Tama. Tama yung pinuntahan ko.
Kaso anong problema? Hindi lang naman iyon ang tanging pagkakataon na umuwi kang mag-isa. Anong pinag-kaiba?
Pinag-kaiba? Siguro doon mo lang naisip na wala kang kasama. Hanggang ngayon, wala ka pa ring kasama. At ayaw mo nang maglakbay nang nag-iisa.
Eh ano ngayon? Anong gagawin mo? Hindi naman siguro tamang mag-hintay ka nalang palagi. Hindi ko alam. Pare, siguro mabuti pa, pumara ka nalang. Tapos baba ka. Hinto sandali. Hintay ng kaunti. Tigil muna. Tapos sakay ng panibagong jeep na daraan. Malay mo, pag-sakay mo, may kakilala ka na. Eh di hindi ka na nag-iisa. Saya diba?